Hanggang Kailan?

Thursday, October 13, 2011

Hanggang kailan?

_______________________

"Puso't tiwala lang!"
"Manalig tayo!"
_______________________

Mga salitang nag bibigay pag-asa. Mga katagang pampalakas ng kalooban.

Eto ang mga salitang madalas naming pinaniniwalaang mga magkakaklase. Sama-sama, umaasa na sa bawat pagsubok na aming dinadaan ay malalampasan namin ito lahat.

Freshmen. Sophomore. Junior. Senior.

Apat na antas. Apat na taon.

Sama-sama. Tulong-tulong. Karamay ang bawat isa. Hawak kamay at kapit-bisig naming tinatawid ang bawat hagupit ng tadhana.

Ngunit hanggang saan? hanggang kailan?

Gaano katagal ba ang aabutin bago mabuwag itong taling nagbubuklod sa aming samahan? Gaano kalayo ang aming mararating ng sama-sama?

Apat na taon, aming pinatunayan sa bawat isa at sa harap ng sandamukal na mga guro ang aming makakaya.

Apat na taong puno ng halakhakan at iyakan.

Apat na taong walang sawang kulitan, inuman, laruan, at tuksuhan.

Apat na taon. Nabuo ang isang pagkakaibigang mas matimbang pa sa samahan ng mga magkakapatid.

Apat na taong binuo ang tiwala at pananalig sa bawat isa.

Apat na taong nilagi sa iisang unibersidad na naghulma kung ano at sino ang bawat isa sa amin.

Apat na taon.

Ito ang kabuuang taong upang makapagtapos sa kursong aming tinatahak. Ang kabuuang panahong ibinigay sa isa't isa bago humantong sa takdang oras. Ang taning at hangganan ng aming pananatili sa apat na sulok ng aming silid-aralan.

Ang mga silid na nagsilbing tambayan ng mga walang mapuntahan, kwarto ng mga kulang sa tulog, playground ng mga makukulit at di mapakaling estudyante, library ng mga pilit na nag-aaral, comp shop ng mga di makapagpigil at katingkating maglaro ng videogames, luneta ng mga nilalangam na mga magkakasintahan, parlor ng mga walang sawang nag chichismisan at nagpapaganda, kapiterya ng mga masisiba at gutom na inhinyero at ang pinaka mahalaga sa lahat ay ito ang naging tahanan para sa aming lahat sa loob ng apat na taon.

Ito ang naging saksi sa lahat ng aming dinanas sa kamay ng iba't ibang propesor. Saksi sa lahat ng aming pagsubok na nilagpasahan sa pamamagitan ng iba't ibang paraan masama man o mabuti.

Ito na marahil ang silid ng alaala ng bawa't isa sa amin. Lahat ng mga umaagos at nagsisilakbong damdamin at emosyong aming dinanas ay nangyari at nasaksihan ng mga silid na ito.

Tawanan. Iyakan. Galitan. Sakitan. Tampuhan. Selosan. Inlaban. Pikunan. Kopyahan. Lahat!

Apat na taong pagkakaibigang di mapapantayan. Apat na taong hindi mahihigitan. Apat na taong samahang mapakailanmang mananatili sa puso't isipan ng bawa't isa ng walang hanggan.

Ngunit, paano na lamang ang mga sa kasamaang palad ay minalas at sa hindi inaasahang pagkakataon ay bahagyang lumuwag ang kapit at tila naiwan at nahuli sa takbo ng aming paglalakbay?

Paano nila tatangapin sa kanilang mga sarili na para sa huling biyaheng ito ng aming paglalakbay, sila ay medyo maantala at mahuhuli bago makarating sa dulo ng aming paroroonan?

Hanggang kailan nila dadamhin ang sakit ng pagkakaiwan? Hanggang kailan aasa na hindi pa huli ang lahat at may pag-asa pang makahabol dito sa karerang aming sinimulan ng sama-sama? Hangang kailan madadama na ang pagkakahuli sa pagtahak sa aming huling destinasyon ay may magandang maidudulot din?

Kailan kami matututong tumayo sa sarili naming paa? Kailan kami lalaban sa unos ng buhay ng di umaasa sa iba? At hanggang kailan kami dedepende sa isa't isa?

Hanggang kailan?

Lahat walang kasiguraduhan.
Lahat ay puro katanungan.
Lahat ay nababalot ng misteryo at hiwaga.

Ngunit iisa lang ang tiyak.

Na hanggang saan man kami dalin ng aming mga paa, hanggang kailan man kami abutin, siguradong andiyan lang ang bawa't isa handang tumulong at damayan sino man. Walang alinlangan, una man silang makarating sa aming huling destinasyon sigurado andyan pa din sila upang bumalik at tulungan ang mga patuloy na naglalakbay at tumatahak sa daan patungo sa dulo ng aming paglalakbay, upang sa bandang huli lahat ay sama-sama. Walang iwanan.

Sama-sama hangang sa dulo ng walang hanggan.

Magkakapit-bisig tungo sa bagong yugto ng paglalakbay at pagtatahak sa mabatong landas ng buhay.

0 comments:

Post a Comment