________________________
Quiz \ˈkwiz\
noun
the act or action of quizzing; specifically : a short oral or written test
Other forms: plural = quiz·zes
________________________
December 3, 2011
1:00 pm - 2:15 pm
Sabado ng hapon. Tahimik. Maginaw.
Lahat seryoso. Lahat nagsasagot ng quiz. Bawat isa may kanya-kanyang diskarte.
1:30 pm
Late as usual. Nagmamadali. Maling diskarte.
Dahandahan binuksan ang pinto sabay pasok. Nabulabog ang lahat sa loob ng klase. Walang alinlangan, direderetso sa loob ng classroom sabay hanap ng mauupuan. Lapag ng gamit. Kuha ng test paper. Balik sa upuan. Game!
1:35 pm
Nagmamasid sa paligid. Nakikiramdam. Naghahandang magsagot ng exam.
---
Merong nakatakdang quiz ng araw na ito. Lahat naabisuhan ng maaga. Lahat aware sa mangyayari. As usual, lahat patay malisya. Walang nag-aral. Walang may pake. Lahat tinamaan ng napakalubhang sakit. Ang "KATAM" at ang "BALA".
KATAMaran at BAhaLA na syndromes. Napakalalang epidemia na mabilis pa sa alas-quatro makahawa. Sakit ng karamihan sa mga estudyante. At ang pinaka paboritong tamaan ng sakit na ito ay ang aming section.
---
Dali-dali pinagmasdan ang bawat pahina ng test paper. Sinubukan maghanap ng madaling tanong. Pabalikbalik baka sakaling sa susunod na pagkakataon magpapakita na ang mga pamilyar na mga salita.
---
Malas. Lahat ng tanong ay mahirap! Wala kaming ni katiting na ideya sa mga nakasulat. Tila lahat ng itinuro ng propesor ay hindi lumabas.
Terms. Definitions. Enumeration. Essay. Blanko.
Wangis mula sa ibang planeta ang gumawa ng pagsusulit. Kahit na kaunting awa man lang para sa sasagot ay wala! Delubyo ang kahahantungan naming lahat!
---
1:43 pm
Pasimpleng lilingon sa katabi sabay aayos ng pwesto at lilingon naman sa tao sa likod. Susubukan tignan kung may makakalap na sagot. Makikipagtitigan. Makikipagbulungan.
Sawi. Wala nino man ang may sagot. Tutulala sa harap. Titignan ang prof. Kunwari nag-iisip ng sagot. Biglang yuko at kunwari may isusulat na sagot. Babasahin muli ang mga katanungan at magkukunwaring nagsasagot.
---
Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa ang bawat isa. Lahat walang may alam. Lahat umasa. Bahala na talaga si batman! Kanyakanyang diskarte na talaga sa pagsagot! Ito'y isang gera!! Kami ay nilusob ng di naming inaasahan. Masyado kami naging kampante! Minaliit masyado ang kalaban! Wala ng atrasan pa!
---
1:55 pm
Magriring ang first bell. Hudyat na 5 minuto na lang ang natitira bago matapos ang oras na iyon.
Battle Possition 1. Engage!
Kakabahan. Magpapanic ang lahat sa classroom. Mag-iingay ang ilan upang gumawa ng distraksyon at makadiskarte.
---
Ayos! As usual epektib ang paraang iyon! Sa sandaling minutong iyon nakahagilap na ang lahat ng sagot. Nakadiskarte na ang bawat isa. Sa isang iglap tila may anghel na bumaba sa langit daladala ang mga kasagutan sa aming katanungan. Parang magic lang! Masaya na ang lahat. Kahit papano kampante na meron ng sagot kahit papaano pero kulang pa din. Isa lang ang solusyon dito.
---
2:00 pm
2nd bell.
Muli magriring ang alarm ngunit sa pagkakataong ito upang ipaalam sa lahat na simula na ng bagong oras.
Battle Possition 2. Attack!
Tahimik. Lahat mahinahon. Kunwari di narinig ang bell. May maglalakas ng loob magtanong. Itataas ang kamay sabay sabi...
"Sir, until what time po pede magsagot?"
Lahat titigil sa ginagawa. Titig sa harapan. Sasagutin ng propesor ang katanungan ng estudyante. Sabay-sabay magrereact sa kung ano mang sagot ng prof. May magtatanong kung anong oras na. May sasagot. Magiingay. Magkakagulo. Muli ayon na ang senyas ng pagsisimula ng pangalawang atake.
---
Sa pagkakataong ito kanyakanyang diskarte na ng bawat isa. Garapalan na!! Tulungan. Ito ay laban ng lahat tungo sa iisang layunin!! Walang susuko. Walang matitinag.
---
May mga sabay-sabay na tatayo. Lalapit sa harap. Papalibutan ang prof. Tatakpan.
---
Pagkakataon na ito, habang nakatakip ang ilang matatapang na bayani heto ang iba sa lupon ng kampo lumalaban. Pasa dito, pasa doon. Bulong dito, bigay doon. Masiyadong malakas ang kalaban. Panahon na para ilabas ang secret weapon.
---
2:07 pm
Malakas ang kalaban. Kailangan pa ng mas mahabang oras.
May ikalawang batch ng estudyante ang tatayo. Papalitan ang mga nauna. Makikigulo sa harap. Magtatanong sa prof kunwari. Palakasan ng loob. Pakapalan ng muka. Habang ang mga estudyanye na nasa kanilang upuuan ay naghahanda nang ilabas ang secret weapon.
---
Heto na! May dahandahan at pasimpleng maglalabas ng iPod, iPad, cellphone at kung ano-ano pa! Madaya na kung madaya. Walang masama kung lahat naman ay ginagawa ito. Kanyakanyang basa ng mga notes. Mabilisang hanap ng mga sagot habang ang iba na nagaantay ng biyaya ay magsisilbing lookout.
---
2:15 pm
Times up!
Sisigaw ang prof.
"Pass your papers! Finished or not finished! 1, 2, 3..."
---
Tapos na ang oras. Bawat bilang ng aming prof tila binibilang na din ang oras ng aming buhay. Lahat nagmamadali. Naghahabol. Tanong dito, tanong doon. Malawakang kopyahan na para sa mga nalalabi pang mga items na walang sagot.
---
"...9 and 10! All papers in?! Ok, I won't be accepting late papers."
Dahandahang itatago at ibubulsa ang mga secret weapons. Uupo ng maayos. Tatahimik ang klase. Makikinig sa prof na tila maamong tupa na walang kasalanan.
Magsisimula sa kanyang usual speech ang prof. Lahat tulala. Kunwari nakikinig.
---
Natapos na din sa wakas ang quiz! Sisiw. Haha. Lahat kami ngayon nasa sarisariling mundo na namin. May kanyakanyang gawain at iniisip na ang bawat isa ngaung tapos na ang exam at heto na naman ang napaka mapanlait naming proffesor sa kanyang ubod ng habang talumpati.
Kwento rito, kwento roon. Daldal dito, daldal doon. Normal na masasaksihan sa loob ng aming silid-aralan sa tuwing nagsasalita ang guro.
---
Mga babaeng walang sawang nag chichismisan. Mga lalakeng nag haharutan at nagkakantyawan. Mga techy na pindot ng pindot at laro ng laro ng kung ano-anong gadgets habang nagklaklase. Mga pa chill na ayaw paistorbo sa himbing ng tulog. Mga masisibang di na tumigil sa kakanguya at kakalamon. At siyempre ang mga dakilang sipsip sa prof na kunwari nakikinig sabay daldal at sali sa kaguluhan kapag walang nakasubaybay na teacher.
---
Haaaaay... Buhay estudyanye. Buhay inhinyero. Buhay namin.
Habang lahat ay abala, ako naman ay eto nakaupo at sinusulat este tinatype ang blog na ito dahil ano pa nga ba? Dahil wala akong magawa at mas nanaisin kong ubusin ang oras ko sa ganitong paraan kaysa sa tumulala sa kawalan. Haha!
---
0 comments:
Post a Comment